MANILA, Philippines - Isang malaking banta umano sa midterm elections sa May 13 ang nagsulputang mga signal jamming device na naipuslit sa bansa.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., na maaring magamit ng mga cellphone jammers ang mga apparatus o jamming device upang harangin ang mabilisang pag-transmit ng resulta ng eleksyon sa mga Precint Count Optical Scan Machines (PCOs) at bunga nito ay maaring pagdudahan pa ang resulta ng halalan.
Nagbabala naman si Brillantes sa mga tiwaling kandidato na mahuhuling gumagamit ng mga jamming devices na ididiskuwalipika ang kandidatura at mananagot sa batas.
Ayon kay Brillantes, sa normal na proseso sa paggamit ng mga PCOs o automated machine, sa loob ng 48 oras ay batid na ang resulta ng eleksyon sa mga polling precints pero kung mananabotahe ang mga jammers ay maantala ito dahilan sa pagkawala ng signal ng mga telecommunication lines.
Aminado naman si National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordova na mabibili sa murang halaga ang naturang mga jamming device na umano’y gawa sa China.
Alinsunod sa memorandum order ng NTC ang pagbili, pagbebenta at importasyon ng GSM jamming device ay may katapat na 2 hanggang 6 taong pagkakabilanggo na walang parole. Mahaharap din ang mga ito sa paglabag sa election laws kapag ginamit ito sa paÂnanabotahe sa eleksyon na 12 taong pagkakakulong ang parusa.
Nabatid na ang mga signal jamming device ay kahalintulad lamang ng ordinaryong wireless routers na may apat na antenna na sumusukat mula 10-20 metro at maari ring i-plug maging sa outlet ng mga behikulo.
Inatasan na ni DILG Sec. Mar Roxas ang PNP-Anti Cybercrime Division upang magsagawa ng malawakang crackdown laban sa pagkumpiska at pag-aresto sa mga nasa likod ng signal jammers.