MANILA, Philippines - Walang Pinoy ang nasaktan o nasawi sa naganap na 7.8 magnitude lindol na tumama sa Iran at Pakistan na naramdaman din ang lakas sa United Arab Emirates at India.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, base sa natanggap nilang report mula sa Embahada ng Pilipinas sa Tehran at Abu Dhabi, wala pang naitatalang Pinoy casualty sa lindol na ikinasawi ng may 35 katao habang tinatayang halos 200 pa ang sugatan sa Pakistan at Iran.
Sinabi ni Hernandez na patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga Embahada ng Pilipinas sa mga bansang naapektuhan ng lindol at inaantabayanan pa ang karagdagang ulat ng mga ito.
Sa pagtaya ng United States Geological Survey, ang 7.8 magnitude na lindol ay tumama malapit sa Iran-Pakistan border, 50 milya sa east ng Khask City ng Iran na tinatayang may 60,000 populasyon.
Dakong alas-6:45 ng umaga noong Martes nang maramdaman ang lindol na pinakamalakas nang tumama sa Iran at may lalim na 51 milya.