MANILA, Philippines - Ipinasisibak kay PNP Chief Director General Allan Purisima ang hepe ng Regional Public Safety Battalion Group sa Calabarzon dahil sa umano’y police brutality.
Sa isang press conference kahapon sa Pasay City, sinabi ni Atty. Salvador Panelo Panelo na maghahain siya ng petisyon sa Comission on Elections laban kay P/Supt. Glenn Dumlao upang hindi umano ito magamit ng sinumang pulitiko.
Pormal na hihilingin ni Panelo na sibakin sa puwesto si Dumlao habang iniimbestigahan ang ginawang pangha-harass umano ng grupo nito sa ilang supporter ng Lakas-Magdalo political party sa lalawigan ng Cavite.
Partikular na inihalimbawa ni Panelo ang ginawang raid umano ng grupo ni Dumlao sa tahaÂnan ng isang Raymund Eguilos, 42 ng La Trinidad Subd. Brgy. Cabuco, Trece Martires City na chief of staff ni Trese Martires Mayor Melencio de Sagun noong Abril 6, alas-3:30 ng madaling araw.
Ayon kay Panelo, abogado ng biktima, hindi umano unipormado ang grupo ni Dumlao at armado pa ng matataas na kalibre ng baril ng magsagawa ng raid.
Isa rin umanong campaign coordinator ni Jolo Revilla, tumatakbo bilang vice governor at anak ni Senator Ramon “Bong†Revilla Jr. ang sinalakay din ng nasabing grupo ng walang malinaw na dahilan noong Abril 5.
Ayon kay Panelo, mas magiging parehas at tahimik lang ang eleksiyon sa Cavite kung walang manggigipit at walang magpapagamit sa mga pulitiko.
Balak umano ni Panelo na sampahan ng iba’t ibang kaso ang grupo ni Dumlao kabilang na ang illegal Arrest, Violation of Domicile, Grave Coercion, Malicious Mischief, at Robbery.
Si Dumlao, hepe ng Regional Public Safety Battalion Group sa Calabarzon, ang kasalukuyang Cavite Provincial Director Police Supt. Alex Rafael, at ang Chief of Police ng Bacoor na si Supt. Ronnie Mendoza ay dati umanong magkakasama sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force at mga kilalang tauhan ng ilang pulitiko sa Cavite.