4 Pinoy todas sa Miami road crash

MANILA, Philippines -  Patay ang apat na Pinoy matapos bumangga ang kanilang mini van sa isang humaharurot na sasakyan na hinahabol naman ng mga pulis sa Miami, Florida.

Sa nakuhang report sa ABS-CBN, kinilala ng The Chicago Tribune ang mga nasawing biktima na sina Dennis Ryan Rinon Ortiz, 33, Lily Marie Azarcon, 26, Albertson Anthony Almase, 31 at Kristina Almase, 26.

Sina Ortiz at Azarcon ay bisita lamang mula sa Pilipinas ng magkapatid na Almase na kapwa nasa US Navy.

Sinasabing mabilis na tumatakbo ng pasalungat ang Chevrolet Suburban na minamaneho ng suspek na si Willie Dumel, 25, dahil hinahabol ng Miami Police nang banggain ang Kia Sorento na lulan ang mga biktima sa kahabaan ng Interstate 95.

Galing umano sa airport ang mga Almase at kakasundo kamang kina Ortiz at Azarcon ng mangyari ang sakuna.

Malubha naman sa insidente ang suspek.

 

Show comments