MANILA, Philippines - Upang maidepensa ang Reproductive Health (RH) Law ay maghahain ng motion for intervention sa Korte Suprema ang pangunahing may akda ng nasabing batas.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ito ay upang mabigyan siya ng pagkakataon na maipagtanggol ang merito ng RH Law sa Korte Suprema.
Ihahain umano ito ng mambabatas sa mga daÂrating na araw upang madesisyunan kung maaari siyang makiisa sakaling isalang na sa oral argument ang petition laban sa RH Law.
Sa kabila nito, hindi naman dismayado ang kongresista sa pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema na pumipigil sa implementasyon ng RH Law.
Paliwanag ni Lagman, maikling panahong pagkakaantala lamang ito samantalang nakapaghintay na siya ng 16 na taon hanggang sa mailusot ang RH bill sa Kongreso.
Wala naman umanong dapat pangambahan sa hakbang ng Kataas-taasang Hukuman dahil gusto lamang ng mga mahistrado na mapag-aralan pa ang petisyon laban sa bagong batas na ito.