^

Bansa

Biyaheng Ngayon

Pilipino Star Ngayon

Isa sa mga natatanging  benepisyong natatanggap ng mga empleyado ng Pilipino Star NGAYON at ng iba pang pahayagan sa ilalim ng Star Group of Publication ang shuttle service.

Sa pagtaas ng presyo ng langis at pati sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, isang kaluwagan ito sa mga empleyado ng PSN at ng buong Star Group lalo pa at lagi silang naghahabol ng deadline araw-araw para maihatid ang pahayagang ito sa mga mambabasa.

Nagsimula ang shuttle service na ito nang maglunsad ng unang programa sa murang pabahay para sa mga empleyado ang yumaong president ng Star Group na si Betty Go-Belmonte noong unang bahagi ng dekada ‘90.

Ang pabahay na ito sa Kapayapaan Ville (dating San Ramon), Canlubang, Calamba, Laguna ay naging malaking tulong sa mga empleyadong walang sariling tahanan o nangungupahan lang.

Hindi sila nahirapan sa buwanang hulog sa bahay dahil kinakaltas ito sa kanilang sahod at tatagal ng 25 taon ang mortgage.

Marami na nga ngayon sa kanila ang malapit nang makakumpleto ng pagbabayad at hindi na malayong makuha nila ang titulo ng kanilang lupa’t bahay. Taong 1991 o 1992 ay may mga naglipatan na at nagsimula ng bago nilang buhay sa Canlubang.

Inalala din ni Ma’am Betty ang kapakanan ng mga empleyadong maninirahan sa Canlubang dahil malayo ito sa Maynila.

Isinabay niya sa programa ang pagtatalaga ng mga sasakyan na maghahatid sa kanila sa pagpasok sa trabaho at pag-uwi sa kani-kanilang taha­nan doon.

Maliliit pa lamang ang mga sasakyang ginagamit noon bilang shuttle service ng mga empleyado. Natatandaan  ko pa na siksikan kami lagi sa Nissan Bida o Canter o sa jeepney. Tatlo ang shift nito.

Meron sa umaga, tanghali at gabi. Umaabot pa noon sa walo hanggang 14 katao ang pasahero ng mga ito depende sa gamit na sasak­yan.

Bagaman prayori­dad sa pagsakay dito ang mag empleyado, maaari din namang umangkas dito ang mga miyembro ng kani-kanilang pamilya kung meron din lang bakanteng upuan.

At ang mga driver nito ay pawang mga empleyado rin ng Star group na meron din siyempreng bahay sa Canlubang. Nariyan halimbawa sina Cesar Sabado, Mike Jaudian, Romy Jimeno, Bong Madriaga at Marcelo Saguid na halos sa Canlubang na lumaki ang kani-kanilang mga anak.

Pero, kasabay ng pag-unlad ng PSN at ng ibang pahayagan ng Star group sa pagdaan ng mga taon, napalitan na ang naturang mga sasakyan.

Nasa huling bahagi ng dekada ‘90 nang bumili na ang kumpanya ng mga airconditioned bus para sa shuttle service ng mga empleyado. Kaya  mas marami na ang nakakasakay. 

Kahit pumanaw na si Ma’m Betty, itinuloy ng anak niyang si Miguel Belmonte na siyang presidente ngayon ng Star Group ang ganitong benepisyo para sa mga empleyado.

Sabi nga ni Juanito Chua, motorpool supervisor ng Star, anim na bus ang nagseserbisyo sa mga empleyadong nakatira sa Laguna at Cavite.

Nito kasing taong 2007, nagkaroon na rin ng pabahay sa Binan, Laguna at sa General Trias, Cavite.

Sa taas ngayon ng pasamahe sa pampublikong sasakyan sa biyaheng Manila-Laguna-Cavite, malaking kaginhawahan at katipiran sa mga empleyado ang mga shuttle service na ito. Bukod pa rito ang overtime para sa mga driver. 

Kaya, sabi nga ni Chua, malaking benepisyo talaga sa mga empleyado ang shuttle service.

Kapag nga may bagyo, malakas ang ulan  at malalaking baha, hindi na gaanong alalahanin ng mga empleyado ang pag-uwi o pagpasok sa trabaho. 

Pero hindi lang naman mga taga-Laguna at Cavite ang nabibiyayaan ng shuttle service. Kahit ang mga nasa Metro Manila ay pinaglalaanan din ng ganitong serbisyo lalo na iyong mga empleyadong umuuwi sa disoras o kalaliman ng gabi. Nabanggit nga ni Chua na meron din silang inihahatid sa Bulacan. (Ramon Bernardo)

BETTY GO-BELMONTE

BONG MADRIAGA

CANLUBANG

CAVITE

EMPLEYADO

STAR

STAR GROUP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with