9 opisyal ng Lemery pinakakasuhan ng Ombudsman

MANILA, Philippines - Siyam na opisyal ng Lemery, Batangas ang pinakakasuhan ng tanggapan ng Ombudsman ng katiwalian matapos maka­kita ng probable cause para madiin sa kasong grave  misconduct at paglabag sa procurement law.

Ang mga pinakakasuhan ng Ombudsman ay sina dating Lemery, Batangas Vice Mayor Geraldine C. Ornales at mga konsehal  na sina Rosendo “Roger” Eguia, Vincent Vergara, Shirley Atienza, Neigo Suayan, Melecio Vidal, Christopher Jones  Bello, Ramiro Magnaye at Rodolfo de Castro.

Habang hindi naman isinama ng Ombudsman para sampahan ng kaso si Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Romeo Evan “Ivan” Ornales dahil sa kawalan ng merito na sampahan ng kaso

Sa 16-pahinang kautusan, inirekomenda ni Deputy Ombudsman for Luzon Gerard  A. Mosquera ang pagsasampa ng kaso sa mga dating opisyal ng bayan matapos makitaan ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act at Revised Penal Code Article 177 o Usurpation of Autority of  Official Function.

Nag-ugat ang kaso nang sampahan ng kasong katiwalian sa Ombudsman nina Roberto Ricalde, da­ting heneral ng Philippine Air Force; Modesto de Leon, dating Administrator ng GSIS Batangas; Alicia Mangubat, PTCA President at Lenelita Balboa, dating Kagawad ng Sanggunian Bayan ang naturang mga dating opisyal ng Lemery hinggil sa umano’y P8.1 million computerization program o Information Technology project ng bayan­ noong September 2002.

Sa kanilang reklamo, sinabi ng mga ito na nilabag ng mga dating opisyal ang batas nang sang-ayunan umano ng mga ito si da­ting Mayor Raul Bendana na makipag-transaksyon sa pribadong kumpanya na Amnellar Solution sa pamamagitan ng “direct Contracting” para sa computerization program ng nasabing bayan.

Kinakitaan din ng Ombudsman ang grupo nila Ornales na guilty sa kasong Grave Misconduct at pinasisibak ang mga ito sa government service at hindi na papayagan pa na makaupo sa alinmang ahensiya ng gobyerno.

 

Show comments