Ampatuan giit sa korte na makadalo sa graduation ng anak

MANILA, Philippines - Giniit ni dating governor Zaldy Ampatuan, isa sa pangunahing suspek sa 2009 Maguindanao massacre case na bigyan siya ng pahintulot ng QC court na makapunta sa Cotabato City para dumalo sa graduation ng panganay na anak sa March 24.

Sa kanyang dalawang pahinang kahilingan, sinabi ni Ampatuan na ngayon ay nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na sana ay mapagbigyan siya ng QC court sa kanyang kahilingan dahil gusto niyang makasama ang anak sa mahalagang araw na ito.

Sinabi ni Ampatuan na siya ay handang maglagak ng travel bond na igagawad sa kanya ni QC RTC branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Ang anak ni Zaldy Ampatuan na si Prince Sufri Norab­bie Ampatuan, 19 ay ga-graduate sa Albert Einstein School sa Cotabato City sa March 24.

Niliwanag din ni Zaldy Ampatuan sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Ashlin Clint Co na walang plano ang kanyang kliyente na tumakas kaya’t sana ay mapayagan siyang makapunta sa graduation ng anak.

Show comments