Babalangkas ng Bangsamoro Law Transition Commission, binuo

MANILA, Philippines -  Inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na binuo na ni Pangulong Benigno Aquino III ang miyembro ng Transition Commission na siyang babalangkas ng Bangsamoro Basic Law.

Sinabi ni Sec. Lacierda sa media briefing sa Malacañang, ang bubuo sa GPH ay sina Akmad Sakkam, Johaira Wahab, Talib Benito, Asani Tammang, Pedrito Eisma, Froilyn Mendoza at Fatmawati Salapuddin habang sa panig naman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay sina Chairman Moihagher Iqbal, Roberto Alonto, Abdulla Camlian, Ibrahim Ali, Raissa Jajurie, Melanio Ulama, Hussein Munoz at Said Shiek.

Ayon kay Lacierda, ang 7 itinalaga sa government panel ay dumaan sa screening ng Transcom selection committee na binubuo nina Justice Sec. Leila de Lima, Presidential Peace Adviser Ging Deles at National Commission on Muslim Filipinos Sec. Mehol Sadain.

Idinagdag pa ni Lacierda na nais ipakita ng Aquino government na sinsero ito na maitayo ang Bangsamoro autonomous political entity matapos ang makasaysayang Framework Agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF.

Magugunita na inilunsad din mismo ni Pangulong Aquino ang Sajahatra Bangsamoro program sa mismong kampo ng MILF sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Show comments