Makati Business Club, Cayetano laban sa ‘5-6’

MANILA, Philippines - Pabor si Makati Business Club (MBC) President Ramon del Rosario Jr. sa panukala ni re-electionist Sen. Alan Peter Cayetano na dapat mayroong nalalapitan ang publiko sa oras ng pangangailangan na hindi mga loan shark gaya ng 5-6 scheme dahil indikasyon ito ng kahirapan na ibig sabihin ay hindi sapat ang pang-araw araw na kinikita ng mga manggagawa kaya napipilitan na mangutang kahit na malaki ang interes.

Sa panukala ni Ca­yetano, dapat pag-aralan ang paglalaan ng pondong maaaring mahiram ng mga manggagawa na nasa 3 % lamang ang interes. Kung kaya umano ng pamahalaan ang pagbibigay ng libreng bilyon bilyong Conditional Cash Transfer (CCT) na hindi naman naibabalik ay mainam kung idaan sa mga barangay, kooperatiba o mga lehitimong asosasyon ang pagpapautang na hindi magdudulot ng hirap sa mga manggagawa dahil maliit ang tubo.

Aminado naman ang MBC na malaki ang naitutulong ng mga kooperatiba lalo sa microfinancing kaya isa ito sa dapat na palakasin gayundin ang pagbibigay ng puhunan sa mga nais magnegos­yo na maliit lamang ang interes.

Isinusulong ni Ca­yetano ang pagtatayo at pagpapalawak sa koope­ratiba at paglalaan ng P100M pondo sa bawat rehiyon na magagamit sa pagpapautang na may maliit na interes sa halip na masubo ang mga Filipino sa 5-6 scheme na may interes na 20 porsiyento na siyang nag­papahirap sa mga manggagawa lalo na ang kumikita ng arawan.

Sa pag-iikot ni Ca­yetano bilang bahagi ng kanyang listening tour sa kampanyang Pagkain, Trabaho at Kita (PTK) inamin nito na pare-pareho ang mga hinaing ng karamihan sa mga manggagawang Pinoy na hindi nila ramdam ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa bagamat tumaas ng 6.6 ang GDP, anila, lugmok pa rin sila sa pagbabayad ng pautang sa 5-6.

Inihalimbawa ni Ca­yetano ang mga nakausap na tricycle driver na kumikita ng P600 kada araw, ang P200 na kita ay napupunta sa gas, P200 pa bilang boundary at ang natirang P200 na lamang ang naiuuwi sa bahay na nababawasan pa sa arawang hulog sa 5-6.

 

Show comments