MANILA, Philippines - Matatanggap na sa oras ng mga guro na magsisilbing board of election inspectors (BEIs) sa nalalapit na halalan ang kanilang honorarium.
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., pagkatapos na pagkatapos ng trabaho ng mga guro sa halalan ay ibibigay na kaagad nila ang bayad sa pamamagitan ng cash cards o maari nilang i-withdraw sa mga ATM outlets.
Kung agad makukuha ng mga guro ay hindi na sila tatambakan ng reklamo. Dati ay cash na ibinibigay ng Comelec sa BEIs na ipinadi-distribute sa election officers kung saan may mga insidente na nawawala umano kaya walang nakakarating sa mga guro.
Nakikipag-ugnayan na ang Comelec sa Land Bank of the Philippines para sa isang memorandum of agreement, kung saan ide-deposito ang pera.
May 240,000 guro ang magsisilbi sa halalan sa Mayo 13 at bawat isa sa mga ito ay tatanggap ng P4,000 allowance para sa kanilang poll duties.
Sinasanay na rin ng Comelec ang mga trainor na siyang ipapakalat sa buong bansa upang magturo sa mga guro.
Sasanayin rin ang mga BEIs sa teknikal na aspeto ng halalan upang matiyak na kahit isa man lamang sa tatlong guro na itatalaga sa may 77, 829 clustered precincts ay may teknikal na kaalaman sa mga PCOS machines.