Palpak na mock election, sisiyasatin

MANILA, Philippines - Nais ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na siyasatin ng Kamara ang palpak na idinaos na mock elections ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Colmenares, ang naging resulta ng mock elections noong Sabado ay siya ring naging problema noong 2010 elections na posibleng magiging problema rin ngayong halalan sa Mayo.

Ang mga aberya umano na tulad ng kabiguan ng makina na makapag transmit ng balota, over votes at under votes ay hindi simpleng aberya lamang, kundi isang seryosong problema na dapat ay masolusyunan  bago dumating ang halalan.

Hinikayat ni Colmenares ang Congressional Oversight Committee on Automated Elections (COCAES) na rebisahin ang nasabing mga problema lalo na ngayon ay nadagdagan ng 1000 botante bawat clustered precincts at ang mga aberya sa makina ay magdudulot ng delay na posibleng pagmulan ng pandaraya.

Ikinaalarma din ni House Deputy Minority Leader Milagros Magsaysay ang nasabing mga aberya at sinabing dapat na resolbahin agad ito  ng Comelec at siguruhin na magiging credible ang resulta ng darating na eleksyon.

Hindi naman nababahala si Aurora Rep. Sonny Angara sa ilang problemang teknikal sa ginanap na mock elections na  nagsabing maaari namang itama ang ilang minor errors.

Maging ang Malacañang ay naniniwalang maaayos kaagad ng COMELEC ang naging  problema sa isinagawang mock elections gamit ang automated machines.

 

Show comments