MANILA, Philippines - Sumulat na si Commission on Audit Chairwoman Ma. Gracia Pulido Tan sa Senado upang ipaalam na tinatanggap ng COA ang hamon ng mga senador na buksan ang libro ng Senado upang sumailalim sa malawakang pag-audit.
Ayon kay Senator Panfilo “Ping†Lacson, chairman ng accounts committee ng Senado nakasaad din sa sulat ni Tan na hindi ito sang-ayon sa panukala ni Minority Leader Alan Peter Cayetano na may pribadong auditor na sasali sa pag-audit lalo pa’t hindi maliwanag kung sino ang magbabayad sa mga ito.
Sinabi pa ni Lacson na dahil apektado sa gagawing pag-audit ng COA ang lahat ng senador kaya ipagbibigay alam niya ang tungkol dito sa caucus na ginawa kahapon matapos magbukas ang sesyon.
Sang-ayon si Lacson na COA ang mag-audit sa Senado lalo pa’t hindi rin naman maaaring kumuha ng pribadong auditing firm ang mga mambabatas dahil walang pondo para dito sa General Appropriations Act (GAA).
Sinabi ni Lacson na hihingi siya ng permiso kay Senate President Juan Ponce Enrile para ipahanda na sa accounting ng Senado ang lahat ng mga dokumento.