MANILA, Philippines - Ikinagalak ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Nereus Acosta sa tiwala at suportang ibinibigay sa kanya ng Pangulong Benigno Aquino III sa gitna ng ginagawang harassment sa kanya matapos mapaulat ang umano’y inilabas na warrant of arrest laban sa kanya at sa kanyang ina.
Ayon kay Acosta, malugod siyang nagpapaÂsalamat sa Pangulong Aquino dahil sa kahandaan nito na bayaran ang kanyang piyansa kung sakaling ipaaresto siya ng Sandiganbayan 5th Division dahil sa kasong perjury.
Sa isang Press Conference, sinabi ni Acosta na posibleng mga taong may ‘vested interest’ sa kanyang posisyon na kanyang nasagasaan sa kanyang mahigpit na kampanya sa LLDA laban sa illegal mining at illegal logging ang nasa likod ng paninira sa kanya at sa kanyang inang si Socorro.
Iginiit ni Acosta na 12-taon na ang kasong perjury na kanyang kinakaharap noong siya pa ay first term pa lamang bilang Congressman ng Bukidnon at ang complainant umanong si Fr. Venancio Balansag ay iniurong na ang demanda laban sa kanya.
Hinihiling ni Acosta sa Sandiganbayan na maging patas sa kanyang kinakaharap na kaso at tiniyak nito na tatalima siya sa ‘rule of law’.
Sa panig naman ng abogado ni Acosta na si Atty. Lodel Parungao ay nagsabing hindi naman naituloy ng Sandiganbayan ang pagpapalabas ng warrant of arrest sa kanyang kliyente kaya noong nakalipas na Biyernes ay nagsumite na sila ng apila para mapigilan ang paglabas ng mandamyento de aresto.