MANILA, Philippines - Sampung diocese sa bansa ang walang Obispo sa ngayon.
Ito ang nabatid mula kay dating Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) president at retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz.
Aniya, kabilang sa mga bakanteng diocese ay ang Imus, Gumaca, Dumaguete, Romblon, San Carlos, Zamboanga, Bontoc, Lagawe, Infanta at Caloocan.
Sinabi ni Cruz, ito na ang pinakamaraming bakanteng diocese na naitala sa bansa.
Naniniwala si Cruz na nahihirapan si Pope Benedict XVI na makapagtalaga ng bagong Obispo sa bansa dahil may mga kuwalipikasyon itong hinahanap.
Hindi naman aniya nababahala hinggil dito si Cruz dahil tiyak naman aniyang magtatalaga rin ng bagong Obispo ang Vatican sa mga susunod na araw.
Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon nang 30 obispo sa bansa ang nagretiro na, kabilang na dito si Cruz.
Pinakahuling nadagdag sa naturang listahan ay sina Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, 72, at San Pablo Bishop Leo Drona, 71, na naghain ng resignasyon ng mas maaga sa itinatakdang retirement age na 75-anyos, at pinagbigyan naman ng Santo Papa.