MANILA, Philippines - Umakyat na sa pito ang bilang ng mga Pinoy na nasawi sa malagim na hostage crisis sa isang gas plant sa Algeria matapos na marekober ang katawan ng isa sa mga nawawalang Overseas Filipino workers (OFWs).
Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez ang pagkaka-rekober sa katawan ng isa pang Pinoy sa In Amenas gas plant na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Hernandez na may dalawa pang Pinoy workers ang patuloy na pinaghahanap sa gas plant.
Aniya, inaayos na ng Embahada ng Pilipinas na may hurisdiksyon sa Algeria ang pagpapauwi sa mga labi ng pitong OFWs na pawang nagtamo ng mara ming tama ng bala sa katawan at mga matinding sugat bunsod ng pagsabog ng bomba.
Binisita na rin umano ng PH Embassy team ang apat na Pinoy na sugatan sa hostage-taking habang nagpapagamot sa Azhar Clinic sa Algiers.