PCG pinakikilos sa pagsadsad ng US warship sa Tubbataha Reef

MANILA, Philippines - Inatasan na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang Philippine Coast Guard (PCG) na magsagawa ng kaukulang “environmental response” sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea kaugnay ng pagsadsad ng isang US warship.

Iniutos din ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya sa PCG na magsumite ng inisyal na pagtaya sa pinsala sa kalikasan na idinulot ng pagsadsad ng barko ng Amerika.

Kabilang sa kautusan ng DOTC sa PCG ang pag­lalagay ng “oil spill boom” sa lugar na pinagsadsaran ng USS Guardian upang agad na masolusyunan ang posibleng pagtagas ng langis.

Agad naman nag-sorry ang US Navy sa naganap na insidente sa pamamagitan ng mensaheng ipinadala ni Vice Admiral Scott Swift, Fleet Commander ng US 7th Fleet.

Sinabi ni Swift, labis din siyang nalulungkot at pinanghihinayangan ang naging pinsala sa pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef, na itinuturing na ‘protected sanctuary’ ng bansa.

Tinukoy pa ng opisyal ang kahalagahan ng Tubbataha Reef na kinikilala ng buong mundo bilang World Heritage Site.

Samantala, pangu­ngunahan naman ni Rear Admiral Thomas Carney, Commander ng Logistic Group Western Pacific, bilang ‘on scene comman­der’ ang gagawing recovery operations sa sumadsad na minesweeper.

 

Show comments