Hanging amihan pinakikinabangan ng Senado

MANILA, Philippines - Sinasamantala ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pag-iral ng hanging amihan sa malaking bahagi ng bansa upang mapalaganap ang impormasyon sa pamamagitan ng geoha­zard maps sa pagtukoy sa mga lugar na mapapanganib tirahan.

Kasabay ng umiiral na hanging amihan na nangangahulugan ng mada­lang na pag-ulan na maaring magdulot ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng bansa ay iniikot ni Senate Committee on Climate Change Chairman Loren Legarda ang iba’t ibang lalawigan para mamigay ng geohazards maps at magturo kung paano gamitin ang mga ito.

Maliban sa Compostela Valley at Davao ay tinungo rin ni Legarda ang mga bayan ng Mangaldan at Pozzorubio sa Pangasinan na nakaranas din ng matinding pagbaha dulot ng mga bagyong dumaan kamakailan sa naturang bahagi ng Luzon.

Namahagi rin ng geohazard maps ang naturang mambabatas ng Di­saster Risk Roadshow na siyang magsisilbing gabay ng mga residente ng mga naturang bayan ng mga hakbang na gagawin sakaling manalanta ang kalamidad sa kanilang mga lugar.

Naging bahagi rin ng pagtungo ni Legarda sa naturang mga bayan ang pamamahagi ng mga gamit pang-agrikultura na kagaya ng sprayers, mga abono na magagamit ng mga magsasaka ng mais doon.

Nabatid pa kay Legarda na habang wala pa ang tag-ulan ay iikutin niya ang lahat ng lugar na puwede niyang ikutin upang magbigay ng impormas­yon tungkol sa mga lugar na mapapanganib tirahan ng tao sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kop­ya ng geohazard maps at pagtuturo ng mga tamang hakbang sa panahon ng kalamidad.

 

Show comments