MANILA, Philippines - Itinurn-over na kahapon nina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Philippine National Police (PNP) Chief Director Alan Purisima sa National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Fact Finding Team sa naganap na engkuwentro sa Atimonan, Quezon noong Enero 6 na ikinasawi ng 13 katao na umano’y mga gun-for-hire.
Sa press briefing sa Camp Crame kahapon, pormal na ibinigay nina Roxas at Purisima kay NBI Director Nonnatus Caesar Rojas ang 2 inches kapal na report ng PNP Fact Finding Team sa pamumuno ni Chief Supt. Federico Castro.
Gayunman, tumanggi naman ang mga opisyal na tukuyin kung shootout o ambush ang sanhi ng pagkamatay ng 13 katao sa pagsasabing ang NBI bilang lead agency ng imbestigasyon ang mag-aanunsyo ng resulta ng imbestigasyon.
Kabilang sa mga nasawi sina Supt. Alfredo Consemino, dalawa nitong police security escort; dalawang tauhan ng Philippine Air Force na sina 1st Lt. Jimbean Justiniani, Staff Sgt. Armando Lescano, lider ng umano’y gun for hire na si Vic Siman at iba pa.
Kabilang rin sa isinumite sa NBI ang mga ebisensya na nakuha sa crime scene tulad ng mga basyo ng bala.
Tiniyak naman ni RoÂxas na walang itinatago ang PNP at mananagot ang mga opisyal na mapapatunayang nagkasala.
Sinabi naman ni Rojas na lumalalim ang motibo ng insidente at hihimayin nila ang mga ebidensya upang lumabas ang katotohanan kung saan susuriin at ikukumpara ang resulta ng imbestigasyon ng Fact Finding Team ng PNP, mga ebidensya at testigo.
Sa oras na matapos ang imbestigasyon ay agad nila itong iuulat kay Pangulong Aquino.
Samantala, maging ang resulta ng imbestigasyon ng Fact Finding Team ng AFP ay isinumite na nina Army Chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista at Defense Chief Secretary Voltaire Gazmin kay Justice Secretary Leila de Lima kahapon.
Umapela naman si Roxas kay Supt. Hansel Marantan, Chief ng Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office (PRO) IV A , team leader sa nasabing operasyon, na sumalang at sumailalim sa proseso ng imbestigasyon.
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling sa paÂgamutan si Marantan na nasugatan sa nasabing insidente.