Total gun ban kinontra sa Senado

MANILA, Philippines - Kinontra sa Senado ang pagsusulong ng total gun ban bagkus ay kinastigo ang kabiguan ng pulisya na ipatupad ang batas na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang bata noong Bagong Taon at pag-aamok ng isang lalake na nakapatay ng 7 katao at nakasugat pa sa Kawit, Cavite.

“You know, every time there is a problem, the culprit is lack of legislation. But we forget the problem lies in enforcement. We have so many laws, but they are not enforced,” ayon kay Sen. Joker Arroyo.

Wika ni Sen. Arroyo, hindi na kailangan ang bagong batas dahil may umiiral na gun control law na dapat ay ipinapatupad ng pulisya.

Binanggit ni Arroyo na hindi lamang sa Pilipinas nangyayari ang ganito dahil sa America ay dalawang shooting rampage ang naganap kamakailan. Subalit kung tutukuyin ang sanhi ng mga shooting spree karamihan umano ay psychological cases.

Hindi rin pabor si Arroyo na ibalik ang parusang bitay sa mga karu­mal-dumal na krimen dahil hindi raw ito ang sagot sa pagsugpo ng krimen.

Lagi na lang anya isinisisi sa kakulangan ng batas ang mga krimen gayong law enforcement ang problema.

“And when it comes to prosecution, we remind ourselves the law is weak, and maybe we should impose the death penalty---as if death penalty will deter the commission of the crime,” paliwanag pa ng mambabatas.

Maging si Senate Majority Leader Vicente Sotto III ay tutol din sa pagpapatupad ng total gun ban dahil hindi daw ito ang sagot sa pagsugpo ng krimen matapos mangyari ang Kawit shooting incident.

Sinabi ni Sotto na sa halip na total gun ban, dapat na lang dagdagan ng gobyerno ang kakarampot na budget ng Philippine Drug Enforcement Agency para mapalakas nito ang anti-drug operations.

Show comments