MANILA, Philippines - Bunsod ng madugong insidente ng massacre sa Cavite kaya sinibak sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang hepe ng Kawit Police na si Chief Inspector Joel Saliva at ang kanyang deputy.
Pinaiimbestigahan rin ni Purisima ang buong Kawit Police sa pagkukulang sa seguridad at mabagal na pagreresÂponde sa insidente kung saan siyam na sibilyan ang napatay kabilang ang isang buntis habang siyam pa ang nasugatan bago napatay ng mga awtoridad ang adik na suspek na si Ronald Bae.
Ikinatuwiran naman ni Saliva na siya ay on official leave kaya ang kanyang deputy umano ang dapat umako ng responsibilidad.
Pansamantalang itinalaga bilang OIC si Chief Insp. Egbert Tibayan.
Sumuko rin sa pulisya ang caretaker ng massacre suspek na kinilalang si John Paul Lopez, 27 anyos, residente ng Imus, Cavite. Sinamahan siya ng kanyang pamilya sa kanyang pagsuko sa pulisya.
Si Lopez ay katiwala sa isang tahanan ng suspek sa Kawit na pinangyarihan ng pag-amok ni Bae.
Inamin ni Lopez sa mga imbestigador na siya ang inutusan ni Bae na magkarga ng bala sa cal. 45 baril bago nag-amok at namaril ng mga sibilyan si Bae sa Brgy. Tabon 1, Kawit, Cavite.
Kabilang sa mga nasawi ay ang buntis na si Ria de Vera, anak nitong si Jan Monica de Vera, Micaela Caimol, 7; Abet Fernandez, 55; Boyet Toledo, Irene Funelas, Adoracion Cabrera, Al Drio at ang suspek na si Bae.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Saint Martin Hospital ang mga sugatang sina Jamerlyn Ayson, Emie Ilapan, Rick Aquipel, Emie Aquipel at Raul Ravel. Si Tess Obinas ay ginagamot ngayon sa Bautista Hospital habang sina KC Caimol, Rachelle Caimol at Kevin Vallada ay sa Philippine General Hospital.
Samantala, humihingi naman ng tawad si Maria Elena Bae sa mga naÂging biktima ng ginawang pamamaril ng kanyang asawang si Ronald at inamin din nito na matagal ng gumagamit ng droga ang kanyang mister.