2 gunmen sa ligaw na bala tugis

MANILA, Philippines - Ipinatutugis sa lalong madaling panahon ang dalawang gunmen na res­ponsable sa pagpapa­putok ng baril na ikinasawi ng dalawa katao, kabilang ang isang pitong taong gulang na batang babae noong Bagong Taon.

Ito ang mahigpit na utos ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas kay Philippine National Police (PNP) di­rector Gen. Alan Purisima, upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella ng Tala, Caloocan city at ng isang 28-anyos na misis mula sa Aklan na nasawi rin sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

“I have ordered Ge­neral Purisima to find those who are behind these irresponsible and unconscionable acts,” dagdag pa ng kalihim, at wala anyang puwang sa sibilisadong lipunan ang mga taong nagpa­putok ng baril noong na­kalipas na Bagong Taon.

Nakapagtala ang PNP ng may 40 biktima ng stray bullets sa nasabing selebrasyon, kabilang si Ella na nasawi sa  East Avenue Medical Center nitong Miyerkules matapos ang walong cardiac arrest.

Isang misis sa Aklan ang nasawi rin sa ligaw na bala kaya inatasan ng DILG ang Western Visayas PNP para tugisin ang may gawa nito.

Ang isang apat na taong gulang na batang lalaki sa Mandaluyong na si Runjillo Nimer, ay nasawi noong Lunes ng gabi matapos tamaan ng sumpak.

Naaresto ang suspect sa insidente na nagsabing lasing siya nang aksidenteng pumutok ang sum­pak at tumama sa bata.

Ayon naman sa ulat ng CARAGA Police, nasa kritikal na kondisyon pa rin ang 15-anyos na batang lalaking tinamaan ng ligaw na bala sa pagsa­lubong sa bagong taon sa Butuan City.

Ang biktimang si Je­nelito Pacanor ay na­nonood lamang ng mga nagpapaputok sa ilalim ng punongkahoy ng aksidenteng tamaan ng ligaw na bala pasado alas-12 ng madaling araw noong Enero 1.

Sa kasalukuyan ay patuloy na isinasalba sa CARAGA Regional Hospital sa Surigao City ang binatilyo.

May mga ulat pa ng mga taong tinamaan ng ligaw na bala, sasakyan, at bubungan sa buong bansa noong Bagong Taon na karamihan ay sa Metro Manila, pero may mga kasong napaulat din sa Cebu at Masbate.

 

Show comments