MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na wala umanong tauhan nila ang nagpaputok ng kanilang service firearms sa pagsalubong sa Bagong Taon makaraang tanggalin na ang takip na masking tape sa nguso ng mga armas.
Pinangunahan ni NCRPO Deputy Director for Administration Chief Supt. Sonny David ang pag-inspeksyon at pagtanggal ng mga tape sa nguso ng mga baril ng kanilang mga pulis kahapon sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Sa higit 100 pulis na sinelyuhan ang mga baril, nasa 50 pulis lamang ang nakarating sa pormasyon. Ngunit sinabi ni David na nagbabakasyon pa ang ibang mga pulis na nakaselyo ang mga baril at sa Lunes pa ang kanilang balik.
Inihayag naman ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona, na walang pulis na nagpaputok ng kanilang baril sa nakalipas na Bagong Taon. Ito ay base umano sa kanyang pag-iikot sa mga police station na natagpuang “intact” pa rin ang mga tape na ikinabit sa nguso ng mga baril.
Nagsagawa rin ng inspeksyon kahapon si Pasay City Police Chief Senior Supt. Rodolfo Llorca sa mga baril ng higit 100 tauhan at wala ring nadiskubreng nagpaputok nito. Kabilang sa mga ininspeksyon at tinanggalan ng tape ang mga nguso ng baril kahapon ay ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT), Drugs Enforcement Unit, Intelligence Division at mga opisyal ng Pasay City Police. Nagsagawa rin ng hiwalay na inspeksyon sa iba’t ibang Police Community Precinct sa lungsod.
Negatibo rin sa pagpapaputok ng kanilang mga baril ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang pagtatanggal ng selyo ng kanilang mga baril sa Camp Karingal, kahapon ng umaga.
Ayon kay QCPD deputy director for Operation Joel Pagdilao, natiyak nilang walang nagpaputok sa kanilang mga tauhan dahil walang nabago sa pirma na inilagay nila sa tape na ipinantapal sa mga baril nito.