MANILA, Philippines - Upang higit na makatulong sa mga taong mangangailangan ay nagsanib puwersa ang Philippine Red Cross (PRC) at ang mga ospital ng Lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng paglagda ng mga ito ng Memorandum of Agreement (MOA).
Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na siya ring honorary chairman ng PRC Caloocan Chapter, ang pagsasanib puwersa ng naturang ahensiya at ng mga ospital sa lungsod ay isang paraan upang higit pang makapagsilbi sa mga residente.
Kabilang sa mga ospital na lumagda sa ginanap na MOA signing ay ang Manila Central University (MCU) Hospital; Nodado General Hospital; Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital; Caloocan North Doctors Hospital at President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC).
Unang nilagdaan ng PRC at ng mga ospital sa Caloocan City ang Mass Casualty Incident (MCI) kung saan ay magkakatuwang ang dalawang panig sa pagbibigay ng emergency services sa mga residenteng mangangailangan ng tulong.
Sumunod na nilagdaan ang Blood Storage kung saan ay hihikayatin ng dalawang panig ang mga residente sa pagbibigay ng dugo at ang pinakahuli ay ang Blood Samaritan na layuning mabigyan ng sapat na kakailanganing dugo ang mga mahihirap na pasyente.
Kasabay nito, hinikayat din ni Mayor Recom ang mga residente na maging miyembro ng PRC kung saan ay bibigyan ang mga ito ng training kung paano magligtas ng mga taong maiipit sa anumang trahedya.