Patay kay Quinta, 13 na
MANILA, Philippines - Umakyat sa 13 katao ang nasawi sa bagyong Quinta habang dalawa pa ang nawawala.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Western at Eastern Visayas, kabilang ang pito sa Iloilo, apat sa Samar at tig-isa sa Capiz at Leyte.
Kinilala ang mga nasawi na sina Wartlito Lutero, 50 anyos, ng Janiuay, Iloilo; Mark Angelo Bayutas, 18, ng Barotac Nuevo, Iloilo; Jonaire Deretso, 33, ng Binangawan, Iloilo; Erlinda Almirante, 60, ng Janiuay, Iloilo; KC Lozada, 4, ng Lambunao, Iloilo; Franklin Fadriga, 34, ng Dumalag, Capiz; Rodrigo Busa, 56, Rosita Busa, 50; at Kimjie Busa, 7, pawang ng Brgy. del Pilar, Maydolong, Eastern Samar; Julio Silvano, 36, ng Merida, Leyte at JOeliver Casipong, 34, ng Borongan City, Eastern Samar at 2 pang nalunod sa Iloilo.
Dalawa pa ang nawawala na sina Mario Austria, 55, ng Talisay, Batangas at Christian Olivar ng Dumalag, Capiz.
Ang bagyong Quinta ay nakaapekto sa may 28, 242 katao sa Bicol, Eastern Visayas, Western Visayas at Central Visayas.
Nasira rin sa hagupit ng bagyo ang 1,359 hektaryang palayan sa Capiz na nakaapekto sa may 800 magsasaka.
Naiulat rin ang mga pagbaha sa lalawigan ng Albay partikular sa Polangui, Oas, Libon, Malinao at Legazpi gayundin sa ilang bahagi ng Camarines Sur, Sorsogon, Aklan, Capiz at Iloilo.
Nabatid na ang bagyo matapos na malusaw at lumabas ng bansa ay naging Low Pressure Area kaya nararanasan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang mga apektadong lugar.
“The worst is over,” ani Ramos kung saan patuloy ang pamamahagi ng relief goods sa mga naapektuhang residente.
- Latest