MANILA, Philippines - Dalawang araw bago ang ika-44 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), umalerto na kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police sa posibleng paglulunsad ng komunistang grupo ng mga pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito’y sa kabila ng idineklarang ceasefire ng AFP na nag-umpisa noong Disyembre 16 at tatagal hanggang Enero 2013.
Tinapatan naman ito ng CPP-National Democratic Front ng tigil putukan na nagsimula naman nitong Disyembre 20 hanggang Enero 15, 2012.
Una ng nasilat ng nagsanib puwersa ng mga sundalo at pulis ang pag-atake ng mga rebelde matapos masakote sa checkpoint sa Tayuman Patrol base sa San Francisco, Quezon ang tatlong lider ng NPA at 3 miyembro ng mga ito na nagpaplanong umatake sa tatlong bayan noong Sabado.
Sa tala, sa kabila ng ceasefire karaniwan na kasing naglulunsad ng mga pag-atake ang mga rebelde tulad ng mga ambuschades, paglusob sa mga himpilan at munisipyo gayundin sa pananabotahe sa mga instalasyon ng gobyerno sa tuwing magdaraos ng anibersaryo.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi naman ni PNP Chief P/Director Alan Purisima na inalerto at binigyan na rin niya ng direktiba ang mga unit commanders ng pulisya sa mga rehiyon at lalawigan na maging vigilante sa lahat ng oras laban sa mga pag-atake at pagsasamantala ng NPA.