MANILA, Philippines - Umaabot na sa tatlo-katao ang iniulat na nasawi sa paputok at ligaw na bala habang nasa 443-katao na ang naitalang sugatan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Director General Allan Purisima, nakakalarma ang insidenteng ito kaya puspusan ang crackdown laban sa mga illegal na paputok.
Kasabay nito, nagsagawa ng serye ng pag-iinspeksyon ang pulisya sa pangunguna nina Purisima, PNP-Firearms and Explosives Division Director P/Chief Supt. Raul Petrasanta sa mga pabrika ng illegal na paputok sa mga kanugnog na lugar ng Metro Manila partikular na sa Bocaue, Bulacan.
Mula Disyembre 2011 ay nakapagtala na ng 2 patay sa paputok at isa naman sa ligaw na bala na inaasahang tataas pa habang papalapit na ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Naitala ng PNP Directorate for Operations ang 378 kataong sugatan sa paputok habang 59 naman ang sugatan sa ligaw na bala habang 13-katao naman ang arestado.
Sinabi ni Purisima na nagsasagawa na ang PNP ng prop-active security measures upang matiyak ang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon bilang pagsuporta sa “IWAS Paputok “ ng Department of Health.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng pagiinspeksyopn sa mga bodega, tindahan ng mga paputok, gayundin ng mga stall na nagbebenta ng illegal na paputok at pyrotechnic devises.