MANILA, Philippines - Humihiling ng katarungan ang pamilya ng binatang anak ng political leader ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri matapos umano itong pagbabarilin hanggang mapatay ng bodyguard ng isang kongresista.
Sa ginanap na libing kahapon (Linggo) sa North Cemetery ay patuloy ang paghingi ng hustisya ng pamilya ng biktimang si Joven John Rarugal, 20-anyos, residente ng #22 Adelfa St., Barangay 132, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Ayon sa ama ng biktima na si Lito Rarugal, dapat lamang na magbayad sa batas ang suspek na si SPO2 Venancio Santiago, 45, nakatalaga sa District Special Operation Unit (DSOU), bodyguard umano ni 1st District Congressman Oca Malapitan at naninirahan sa #112 D. Arellano St., Barangay 133, Bagong Barrio.
Nangako naman si Echiverri na babantayan ang nasabing kaso nang sa gayon ay hindi magkaroon ng palakasan o whitewash at mabigyan ng tamang hustisya ang biktima.
Base sa record na nakalap kay Sr. Supt. Rimas Calixto, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang pagpatay dakong alas 10:30 ng gabi noong December 12 ng kasalukuyang taon sa panulukan ng Arellano at Pechay Sts., Barangay 133, Bagong Barrio.
Ayon sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima sa naturang lugar kasama ang dalawa pa nitong kaibigan nang madaanan nito ang suspek na nakikipag-inuman at agad na sinita ni Santiago si Rarugal sa hindi malamang dahilan.
Nang sabihin ng biktima na kilala nito ang suspek at magpakilala si Rarugal na lider ni Echiverri ang tatay nito ay bigla na lamang binunot ni Santiago ang baril at walang awang pinagbabaril ang kawawang binata.
Sa salaysay pa ng mga nakasaksi, bagama’t nagmamakaawa na ang biktima ay patuloy pa rin itong pinagbabaril at pinagsisipa ng suspek hanggang sa tuluyan itong bawian ng buhay habang naaresto naman si Santiago.