Mass burial pa sa 200 Pablo victims

MANILA, Philippines - Dalawang daan pang mga narekober na bangkay na pawang biktima ng bagyong Pablo ang inihatid na kahapon sa kanilang huling hantu­ngan sa ginanap na mass burial sa isang pampublikong sementeryo sa New Bataan, Compostela Valley.

Sa ulat na ipinarating kahapon ni Dr. Renato Basanes, Provincial Health Officer ng Compostela Valley, pinangunahan ni Mayor Lorenzo Balbin ang paglilibing sa mga naag­nas na bangkay bunga n­g posibleng epekto sa kalusugan ng mga survivor sa kalamidad.

Bago ang mass burial, ang mga narekober na labi ay nakahilera lamang sa isang bakanteng lote sa New Bataan cemetery habang hinihintay pang kilalanin ang mga ito ng kanilang mga pamilya.

Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Exe­cutive Director Benito Ramos na kailangang mailibing na ang hindi pa nakikilalang mga labi dahil halos tatlong buwan na simula ng marekober ang katawan ng mga ito at masangsang na ang amoy at pinagpipiyestahan ng mga bangaw.

Magugunita na pinayuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga lokal na opisyal na huwag munang ilibing ang mga narerekober na bangkay hanggang hindi ang mga ito sumasailalim sa DNA test.

Nitong Biyernes ay nasa 55 katawan ng mga narekober na labi ang sama-samang inili­bing matapos na walang pamilya o kamag-anak na positibong kumilala sa mga ito.

Sa tala ng NDRRMC, umaabot na sa 1,067 katao ang nasawi sa bagyong Pablo, 1,053 ang narekober na mga bangkay, nasa 834 pa ang nawawala partikular na sa Compostela Valley at Davao Oriental.

Lumobo naman sa P34.3 bilyon ang pinsala at nakaapekto sa may 6,243,998 katao mula sa 3,064 barangay, 318 bayan, 40 lungsod sa 34 lalawigan.

Naitala sa P7,833,386,310 bilyon ang pinsala sa agrikultura, P26, 526,663,474.07 bilyon sa imprasktraktura at P49,361,413 milyon sa mga pribadong ari-arian.

 

Show comments