MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport ang isang Singaporean trafficker na pinagsususpetsahang courier ng human trafficking syndicate na nasa likod ng mga pekeng Philippine passports sa mga Chinese na nagnanais makarating sa Pilipinas.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI) si Law Suang See, 33, ay dinakip habang kasama ang umano’y biktima na si Jianhuang Guo, 37, na galing sa Macau ay naharang sa NAIA 3 terminal noong December 12.
Ang dalawa ay kapwa nakakulong sa Bicutan, Taguig habang nakabimbin ang deportation proceedings.
Sa imbestigasyon, gumamit si Guo ng Philippine passport na nakapangalan sa isang Johnny Dela Cruz Que at kuwestiyonable rin lalo pa at si Guo ay hindi marunong magsalita ng wikang Pilipino.
Nahalata ng mga tauhan ng Immigration na hindi Pinoy si Guo nang kausapin nila ito at wala man lamang alam na salitang tagalog at hirap din sa salitang english kaya sila pinigil at tuluyang inaresto.