MANILA, Philippines - Nilabag umano ng mga empleyado ng BOC-Subic ang panawagan nina Pangulong Benigno Aquino III at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ruffy Biazon na iwasan ang pagdaraos ng magagarbong Christmas Party.
Sa reklamo ng ilang importer sa BOC-Subic, humihingi umano ang ilang opisyal ng ahensiya ng malaking kontribusyon para sa naturang okasyon.
Ayon sa ilang importer sa pangunguna ni Bert dela Cruz, nanghihingi ang ilan sa opisyal ng BOC-Subic ng P100,000 bilang kontribusyon sa Christmas Party ng naturang sangay ng kawanihan sa Subic Freeport.
“Batid po namin ang panawagan ni P-Noy at Commisioner Biazon na huwag magdaos ng magagarbong Christmas Party lalo’t may kalamidad sa Mindanao pero tila ayaw sumunod ng ilang sa nakakataas sa kanila,” ayon sa importer na dating lokal na opisyal sa Pampanga.
Aniya, tinustusahan umano ang kanilang tanggapan ng halagang P100,000 bilang kontribusyon sa party at ang ilan naman ay higit pa.
Isang alyas “Ong” umano mula sa BOC-Manila ang lider ng grupo na nakatalaga sa Revenue Collection Monitoring Group (RCMG), isang alyas “Diego” ang coordinator sa brokers at alyas “Julius” ang naka-assign sa BOC-Subic.
Inakusahan din ng mga importer ang RCMG na sa halip manghuli ng mga smuggler ay nanghihingi ng P6,000 sa bawat truck unit at P15,000 hanggang 60,000 sa bawat heavy equipment na kapag hindi nagbigay ay inaalerto ang mga kargamento kahit nagbabayad ng wastong buwis.
Nais ng mga importer na imbestigahan ni Comm. Biazon ang kanilang reklamo hinggil sa paghingi sa kanila ng malaking ‘lagay’ na gagamitin sa Christmas Party.