MANILA, Philippines - Panggulo o nuisance candidates lamang umano ang may 41 lokal na kandidatong naghain ng certificate of candidacy para sa 2013 midterm elections.
Batay ito sa Minute Resolution 12-1101, kung saan sinabi ng Comelec en banc na kabilang sa mga idineklarang nuisance candidates ay anim na aspirants para sa pagka-kongresista, tatlong gubernatorial bets, 21 na tumatakbo sa pagka-alkalde, apat na vice mayoralty candidates, anim na tumatakbo para sa Sangguniang Panlungsod/Bayan at isa para sa Sangguniang Panlalawigan.
Sinabi ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle na pagkatapos makapaghain ng kandidatura ay pinag-aaralang mabuti ng poll body ang mga kuwalipikasyon ng mga taong naghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC).
Batay sa Comelec Resolution No. 9523, ang isang nuisance candidate ay yung mga naghain ng kandidatura upang gawin lamang katatawanan ang halalan o di kaya’y upang lumikha ng kalituhan sa mga botante.
Ilan sa mga nakitang dahilan ng Comelec sa pagdiskuwalipika sa mga naturang kandidato ay ang pagsasalita ng ilan sa mga ito ng mag-isa, pag-angkin ng isa sa Pilipinas, hindi pagsunod sa mga panuntunan ng Comelec tulad na lang nang paglalagay ng 1X1 picture sa COC sa halip na 2X2 picture na siyang required, mali-maling impormasyon na inilalagay sa COC, pagsasabing mayroon siyang supernatural powers, paghiling na maglagay ng ‘weird’ na pangalan sa balota at iba pa.
Nilinaw naman ng Comelec na binibigyan pa rin nila ng pagkakataon ang mga naturang kandidato na i-justify ang kanilang kandidatura, tatlong araw matapos na matanggap ng mga ito ang kopya ng naturang resolusyon.