Sen. Lapid kay Pacman… Ganyan talaga ang bida minsan tumutumba

MANILA, Philippines - Ikinumpara ni Senator Lito Lapid si Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa isang bida sa pelikula na natural lamang umano na minsan ay tumutumba pero bumabawi para tumayong muli.

Ayon kay Lapid kahit sa mga action movie scene ay mapapatumba rin ang bida pero nakakatayo pa rin at naipaghihiganti ang kaniyang pagkatalo.

Sinabi pa ni Lapid, posibleng may mensahe rin ang Panginoon kay Pacquiao para iwanan na ang boksing at harapin ang misyon nito na maglingkod ng buong-buo sa bayan.

Umapela si Lapid sa mga detractors ni Pacquiao na itigil na ang pagpapakalat ng mga pahayag na sumisira pa sa boksingero na ilang beses na nagdala ng karangalan sa bansa.

Naniniwala naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi pa tapos ang boxing career ni Pacquiao. Masyado pa aniyang mas maaga at napakabata pa ni Pacquiao para magretiro dahil lamang natalo ito kay Manuel Marquez.

Show comments