MANILA, Philippines - Nagbabala ang Department of Health (DOH) hinggil sa posibleng pagkalat ng sakit o pagkakaroon ng disease outbreak sa mga evacuation centers sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Pablo kamakailan.
Ayon kay Health Assistant Secretary at DOH-National Epidemiology Center Dr. Eric Tayag, nadaragdagan ang tiyansa na pagkakaroon ng outbreak ng sakit lalo na kung hindi sapat at hindi ligtas ang suplay ng tubig sa isang lugar.
Lumilitaw na ang bawat tao sa evacuation center ay nangangailangan ng 20 litro ng tubig araw-araw na gagamitin nito sa pag-inom, pagluluto at para sa hygiene purposes.
Sinabi ni Tayag na dapat tiyakin ng mga evacuees na malinis ang tubig na kanilang iinumin sa pamamagitan nang pagsala rito gamit ang cheese cloth, pagpapakulo o di kaya’y paglalagay ng chlorine.
Ang mga pagkaing madaling mapanis ay dapat na kainin kaagad sa loob ng dalawang oras matapos itong ihanda.
Kung hindi aniya ito makakain kaagad ay dapat na iinit ito o di kaya’y ilagay sa malamig na container.
Hinikayat ni Tayag ang mga ina na pasusuhin na lamang ang kanilang mga sanggol upang makaiwas sa sakit ang mga ito.
Nilinaw naman ng health official na ang mga bangkay na hindi kaagad maililibing ay hindi naman disease risk.
Sa kabila nito, hinimok ni Tayag ang mga awtoridad na ilibing ng maayos ang mga bangkay, ngunit hindi aniya sa pamamagitan ng mass burial.
Kaugnay nito, nagpadala na ng 800 cadaver bags ang DoH sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Pablo.
Ayon kay Dr. Carmencita Banatin ng DoH Health Emergency Management Service, layunin nitong maiwasan ang posibleng pagkalat ng epidemya na maaaring manggaling sa mga labi ng mga namatay na tao.
Nababahala ang kagawaran sa magkakahalong buhay at patay sa iisang lugar lamang, partikular na ang mga evacuation centers.
Gayunman hindi na umano makikialam ang DoH sa isyu ng mass burial dahil inaasikaso na ito ng DILG.