MANILA, Philippines - Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may mga Pinoy na naapektuhan sa naganap na pagtama ng 7.3 lindol sa northeastern Japan, kahapon ng hapon.
Sa report ni Ambassador Manuel Lopez ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa DFA, wala pa silang natatanggap na report na may Pinoy na nasaktan o nasawi bagaman naramdaman nila ang pagyanig sa Tokyo.
Base sa pagtaya ng Japan Meteorological Agency, dakong alas-4:18 ng hapon kahapon nang tumama ang lindol na may lakas na 7.3 magnitude at may epicenter na 240 kilometro (150 milya) sa baybayin ng Miyagi Prefecture habang nasukat ang lalim nito sa 10 kilometro.
Kasunod ng nasabing pagyanig, agad na nagpalabas ng tsunami warning alert ang Japan sa north coast.
Hindi naman naapektuhan ang Fukushima Dai-Ichi nuclear power plant sa nasabing lindol.
Sa Pilipinas, sinabi ng pamahalaan na walang epekto sa bansa ang nasabing lindol at hindi na kailangan pang magpalabas ng anumang tsunami alert.