MANILA, Philippines - Ipinatupad na kahapon ang ‘preemptive evacuation’ sa libu-libong residente na naninirahan sa CARAGA at Eastern Visayas Region bilang bahagi ng precautionary measures sa posibleng delubyong dulot ng pananalasa ng bagyong Pablo.
Sinabi ni Director Blanche Gobenciong, pinuno ng Office of Civil Defense (OCD) sa CARAGA, karamihan sa mga inilikas sa mga ligtas na lugar ay ang mga residenteng naninirahan sa mga Islang barangay sa bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur na inaasahang tatamaan ni Pablo sa loob ng 24 oras.
Ayon kay Gobenciong, kabilang rin sa mga inilikas ay ang mga residenteng naninirahan sa mga baybaying lugar sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Aniya, determinado sila na maipatupad ang ‘zero casualties’ sa hagupit ng bagyong Pablo na ayon sa PAGASA ay nagdadala ng malakas na pag-ulan at malakas na hangin ang bagyo.
Sa panig naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) operations officer Edgardo Ollet nagsimula na rin ang preemptive evacuation sa silangang bahagi ng baybaying mga lugar sa Leyte at Samar.