MANILA, Philippines - Kasabay ng pagdiriwang ng ika-149 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, nanawagan sa gobyerno si Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angar na maglunsad ng naiibang uri ng rebolusyon – ang pagtiyak na mararamdaman ng lahat ang mga benepisyo ng paglaki ng ekonomiya, lalo ng mahihirap.
Sinabi ni Angara na nasa posisyon ang bansa para tiyakin na ang pag-unlad ay para sa lahat, lalo’t umangat ng 7.1 porsiyento ang ekonomiya nitong third quarter ng taon.
“Malaking bilang ng mga Pinoy ang nanatili pa ring mahirap. May mga ‘di makapaniwala na lumalaki ang ating ekonomiya dahil ‘di naman nababago ang kanilang buhay. Para maramdaman naman nila, kailangang magkaloob ng mga oportunidad para sa mga indibidwal at pamilya sa pamamagitan ng trabaho at negosyo. Kung may economic growth, dapat ay may equitable growth,” ani Angara.
Malaki pa rin ang agwat ng mayaman at mahirap base sa Gini coefficient ng bansa na 45. Ang Gini coefficient ay isang paraan ng pagsukat sa distribusyon ng yaman tulad ng kita. Ang mababang coefficient ay nangangahulugan ng mas maliit na agwat ng kita o yaman ng mahirap at mayaman.
Lumalabas na malaki ang agwat ng kita ng mayaman at mahirap sa Pilipinas kung ikukumpara sa mga bansa sa Southeast Asia.