MANILA, Philippines - Muling binubuhay sa Kamara ang panukala upang gawing heinous crime ang pamemeke ng titulo ng lupa.
Sa House Bill 787 na inihain ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., kung sindikato ang sangkot sa large scale na pamemeke ng titulo ng lupa ay mayroon itong katapat na habang buhay na pagkakakulong.
Subalit kung indibidwal lang ang sangkot sa pamemeke ay mayroon itong katapat na parusang 15 hanggang 30 taong pagkakakulong.
Maituturing naman na large scale ang ganitong illegal na raket kung tatlo o higit pa ang titulong pineke ng sindikato.
Ang naturang panukala ay inihain noon pang Hulyo 2010 subalit hindi na gumagalaw sa House Justice Committee.
Subalit pilit itong binubuhay ngayon dahil sa dami ng insidente ng mga panloloko ng ilang indibidwal at sindikato na nagbebenta ng lupang peke ang titulo.
Giit ni Gonzales, napapanahon na ang ganito kabigat na parusa dahil dumarami ang mga taong hindi gumagalang sa Torrens system ng bansa.