Abalos pinayagan na rin ng 1 pang korte na bumiyahe

MANILA, Philippines - Tuloy na tuloy na ang biyahe pa-Taiwan ni da­ting Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos, Sr. makaraang paboran na rin ng isa pang korte na dumidinig sa kanyang kasong electoral sabotage ang mosyon nito na makaalis ng bansa.

Sa 2-pahinang desis­yon ni Judge Eugenio Dela Cruz ng Pasay City Regional Trial Court branch 117, pinayagan nito na makabiyahe si Abalos mula Nobyembre 27-30 kasabay ng paglalagak ng P110,000 travel bond sa 11 kasong electoral sabotage na kinakaharap nito sa naturang korte.

Inatasan rin ng huwes si Abalos na agad mag-ulat sa “clerk of court” sa oras na makabalik na buhat sa Taiwan.

Pumabor si Judge dela Cruz sa mosyon ni Abalos makaraang unang pagbigyan ito ni Judge Jesus Mupas ng Branch 112 kung saan dinidinig naman ang dalawang bilang ng electoral sabotage kaugnay ng dayaan sa 2007 elections.

Pinagbasehan rin umano ng korte ang desisyon ng Sandiganbayan noong Nobyembre 12 na binibigyan rin ng permiso si Abalos na makabiyahe sa Taiwan.

Matatandaan na hini­ling ni Abalos na makatungo sa Taiwan upang makipag-usap sa mga negosyante doon ukol sa pag-angkat ng higit na murang semilya ng bangus na nais nitong alagaan sa kanyang negosyong palaisdaan.

 

Show comments