FOI bill lusot na sa House

MANILA, Philippines - Matapos ang halos dalawang taon, inaprubahan na kahapon ng House Committee on Public Information ang kontro­bersiyal na Freedom of Information (FOI) bill.

Sa botong 17 pabor, 3 ang kontra at isa ang nag-abstain ay ipinasa ang FOI Bill na magbibigay karapatan sa mga mamamayan na makakuha ng mga mahahalagang impormasyon na may kinalaman sa mga pinasok na transaksiyon ng gobyerno, gayundin ang SALN ng mga public officials.

Ididiretso na sa plenaryo ang FOI Bill upang doon na talakayin ang ilang mga pag-amyenda sa consolidated version ng panukala.

Kabilang sa mga tumutol sa panukala sina Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino at  Occidental Mindoro Rep. Amelita Villarosa habang nag-abstain o hindi bumoto si Alagad Party-list Rep. Rodante Marcoleta.

Bago maaprubahan ang panukala ay ilang oras ding naantala ang botohan kung saan iginigiit ni Antonino na tala­kayin muna ng komite ang kanyang probisyon na ‘right of reply’.

Tinawag din nitong ‘railroading’ ang pag-apruba sa FOI dahil minadali umano ang botohan ga­yong marami pa silang gustong linawin sa mga contentious issues na nakapaloob dito gaya ng inclusion of private companies, safeguards, at national security.

Naniniwala naman si Aurora Rep. Sonny An­gara na kaya pang umusad ng mabilis ang FOI bill kahit na kakaunti na lamang ang natitirang panahon para pag-usapan sa plenaryo.

Ang dapat umanong gawin ay magmonitor at magbantay din ang publiko sa kahihinatnan ng FOI para mapabilis din ang pagratsada nito sa plenaryo.

Umaasa rin ang kon­gre­sista na ito na ang sen­ya­les para sa pagsisimula ng pagkakaraoon ng good governance, accountability at transparency sa gobyerno ang foi bill. (Butch Quejada/Gemma Garcia)

 

Show comments