MANILA, Philippines - Naglagay ang QC government ng road safety marker sa harapan ng University of the Philippines-Ayala TechnoHub sa kahabaan ng Commonwealth Avenue bilang simbolo ng commitment ng lokal na pamahalan na gawing ligtas na daan ang Commonwealth Avenue.
Ang Commonwealth Avenue ay tinaguriang ‘killer highway’ dahil sa sunud -sunod na aksidente sa lansangan na nagaganap dito at marami na rin ang bilang ng mga namatay.
Sa ginanap na unveiling ng naturang marker, hinikayat ni QC Mayor Herbert Bautista ang ibang lokalidad, national government at mga ahensiya ng pamahalaan at mga kinauukulang tanggapan sa lungsod na magkaisa na gawing ligtas para sa bawat isa ang mga lansangan.
Sinabi ni Bautista na ang city government sa pamamagitan ng public order and safety department ay nakikipagtulungan sa QC Police District at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa kampanya na maibsan ang bilang ng mga aksidente sa mga lansangan laluna sa kahabaan ng 12.4 kilometer-Commonwealth Avenue.