MANILA, Philippines - Nadakip habang namamasada ng pedicab ang isang 52- anyos na tinaguriang no. 3 most wanted sa Maynila ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Si Danilo Borromeo, may-asawa, ng no.14 Quezon St., Tondo ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rosalyn Mislos-Loja ng RTC Branch 41 kaugnay sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Bernardo Borromeo noong Oktubre 17, 2011.
Sa report ni Chief Insp. Carlo Manuel, hepe ng Manila-CIDG, alas 12:30 ng hapon nang arestuhin si Danilo habang namamasada ng pedicab sa kanto ng Carmen Planas at Lakandula Sts.
Matapos umanong barilin at mapatay si Bernardo ay nagtago ang biktima subalit makalipas ng ilang buwan ay lumutang ito at muling namasada hanggang sa may nagnguso sa kaniya sa awtoridad.
Sa rekord ng kaso, inabangan umano ng suspect na may bitbit na baril ang kapatid at pinaputukan bago tumakas, na ang dahilan lang ay away kapatid na madalas na pagpapasaway ng bikitma.