MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng P100,000 ng gobyerno ang mga Filipino na aabot sa 100 taon ang edad.
Sa Senate Bill 3328 na tatawaging “Centenarians Act of 2012” sa sandaling maging ganap na batas, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na bibihira na sa mga Filipino ang makaabot sa 100 taon.
Sa report ng National Statistical Coordination Board noong 2006 ang ‘life expectancy’ ng mga lalaking Pinoy ay 66.1 samantalang 71.6 sa kababaihan.
Sa isang bansa na may 100 milyong mamamayan napakaliit na bilang na lamang umano ang umaabot ng 100 taon ang edad.
Sa artikulo ni Bernard Choi sa J Epidemiol Community Health 2005, pangunahing dahilan ng pagkamatay ng human race sa kasalukuyan ay dahil sa “diseases of comfort” o mga chronic diseases na sanhi ng obesity at kawalan ng physical activity dahil na rin sa pagiging advance ng mga teknolohiya.
Bukod sa P100,000 makakatanggap din ito ng sulat pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas at pagkakalooban ng 50% discount at malilibre na sa pagbabayad ng VAT.