MANILA, Philippines - Nakakulimbat ng may $5 Milyon halaga ang umanoy ‘bagman’ ni dating Philippine Gaming Corp. (PAGCOR) Chairman Efraim Genuino na si Rodolfo Soriano, close associate ng una at dating consultant ng naturang kumpanya .
Ito ay batay sa isang exclusive report ng Reuters kaugnay ng ginawang pag- imbestiga ng US gaming regulators sa milyong dolyares na naibayad ng affiliates ng Japanese billionaire na si Kazuo Okada ng Universal Entertainment Corp. kay Soriano noong panahon na ang kumpanya ni Okada ay naglala-lobby para manalo ang concessions para sa $2-billion casino sa Manila Bay, Philippines.
Isang Universal subsidiary ang sinasabing nagbayad ng $5-Milyon noong May 2010 kay Soriano batay sa pagbusisi na ginawa ng Reuters sa bank records, corporate filings, court documents at records mula sa Universal’s staff.
Sinasabing ang $5-Milyon halaga ay ibinayad sa pamamagitan ng isang shell company sa Hong Kong na bahagi ng $40 milyon na nai-transfer ng Universal’s US affiliate Aruze USA. Ang fund transfers ay kasalukuyang binubusisi ng mga imbestigador sa US.
Sinasabing ang document trail na nakakonekta kay Soriano para sa $5-Million payment ay hindi agad naiulat. Lumabas din umano na si Soriano ay nagsilbing bagman ni Genuino batay sa isang investigation report.
Sa panig ng kasalukuyang PAGCOR management, sinabi ni PAGCOR legal counsel Jay Santiago na ang bagong pagbubunyag na ito ay malaking tulong sa korporasyon upang higit na mapalakas ang kasong plunder na naisampa nila kay Genuino at kanyang mga associates.
Sinasabing si Genuino at mga tauhan nito ay nagkamal umano ng salapi ng bayan noong siya pa ang chairman ng PAGCOR. Hindi naman makausap pa si Soriano para sa kanyang komento sa usaping ito.
Iginiit naman ng Palasyo na puwedeng kanselahin ng PAGCOR ang kontrata nito sa Universal Entertainment Corporation ni Kazuo Okada sa sandaling matuklasan na nakakuha ito ng kontrata sa pamamagitan ng ‘bribery’.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kapag napatunayan na nakuha ng Okada firm ang kontrata nito sa Entertainment City sa pamamagitan ng ‘panunuhol’ ay siniguro nila na kakanselahin ang kontrata ng Universal Entertainment Corporation.