MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila De Lima ang mga senior official at mga jail guards ng New Bilibid Prisons (NBP) makaraang maganap ang pagsabog ng granada sa loob ng “maximum security compound” sa Muntinlupa City, noong nakaraang Biyernes.
Kabilang sa mga sinibak at inilagay sa “floating status” sina NBP Superintendent Ramon Reyes, Maximum Security Compound head, Supt. Roberto Rabo, Medium Security Compound head, Supt. Dante Cruz at Supt. Geraldo Aro, ng minimum security compound.
Papalitan ang naturang mga senior officials ng mga junior officers ng Bureau of Corrections habang nakatakdang italaga naman sa NBP ang nasa 140 hanggang 170 mga bagong jail guards sa loob ng linggong ito.
Isinagawa ni De Lima ang paglalagay sa ‘floating status’ sa mga nabanggit na official matapos ang kanyang pagbisita sa NBP kahapon kasama ang ilan pang opisyal ng DOJ at National Bureau of Investigation. Iniutos din nito sa NBI na tutukan ang mga guwardiya na nakatalaga sa “entrance at exit” ng maximum security compound na pinaghihinalaan na may pagkukulang kaya naganap ang pagsabog.
Dalawang testigo na sa insidente ang hawak ng NBI na nakatakdang isailalim sa “polygraph test” at “lie detector test”.
Inamin din ng kalihim na malala na ang problema ng NBP dahil sa nakompromiso na ang seguridad ng mga bilanggo at maging mga bisita.
Napikon din Sec. de Lima sa anggulo na ‘gang war’ kaya naganap ang paghagis ng granada sa loob ng maximum security ng NBP na ikinasugat ng 6 na preso.
Aniya, hindi dapat na manaig ang ganitong pangyayari dahil ang may kontrol o namamahala ay ang Bureau of Corrections at hindi ang mga gang leaders ng mga grupong nasa loob ng nasabing piitan.
Sa ngayon ay naghahanap pa rin ng posibleng pumalit kay ‘on leave’ Bucor director Gaudencio Pangilinan.
Kinumpirma naman ng Malacañang na inilagay sa ‘floating status’ ang mga senior officials ng NBP dahil sa nangyaring grenade blast.
“We confirm that Sec. de Lima has placed senior officials of NBP on floating status due to the grenade blast last Friday,” wika pa ni Sec. Lacierda.