MANILA, Philippines - Dahil hindi pa rin mapigilan ang mga mauutak na pulitiko sa maagang pangangampanya kahit hindi pa nagsisimula ang campaign period kaya isusulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang ‘Certificate of Intention to Run for Public Office (CIRPO) Act of 2012.
Napuna ni Santiago na nagiging inutil ang batas partikular ang Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code of the Philippines kung saan may nakalaang parusa sa maaagang pangangampanya dahil masyadong naging malinaw ang depinisyon ng “kandidato”
“While premature campaigning is a prohibited act punishable by disqualification from public office, the law’s definition of a candidate gives those interested in public office an opportunity to evade the sanction of the law,” pahayag ni Santiago.
Aniya, kahit hindi pa nagsisimula ang campaign period, may mga nagnanais na mahalal sa puwesto ang nakakagamit ng social media at telebisyon upang matanim sa isipian ng mga botante ang pangalan ng kandidato.
Sinabi ni Santiago, walang ngipin ang batas laban sa mga mauutak at mayayamang pulitiko na nakakagamit ng telebisyon para sa “exposure” dahil hindi sila makasuhan ng premature campaigning.
Sa panukala ni Santiago, lahat ng mga nais kumandidato sa isang partikular na eleksiyon ay dapat maghain ng “Certificate of Intention to Run for Public Office” o CIRPO, anim na buwan bago ang deadline ng paghahain ng Certificate of Candidacy.
Sa ganitong paraan umano ay mare-regulate ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga aktibidades ng mga tatakbong pulitiko habang hindi pa nagsisimula ang campaign period.