MANILA, Philippines - Ligtas inumin ang produktong “Nesquick” ng Nestle Philippines at hindi ito ang ipinapa-recall na “Nesquik” ng Nestle USA na mayroong salmonella bacteria.
Nabatid kay FDA Director Kenneth Hartigan-Go na may advisory ang Philippines-FDA kung saan nakasaad na “ang Nesquick na gawa sa Pilipinas ay safe.” Magkaiba umano ang produktong pinabawi sa Estados Unidos.
Ang “Nesquik” na pinapa-recall aniya ay karaniwang nakalagay sa lata na kaiba sa “Nesquick” na nakalagay sa plastic container at nabibili sa mga local supermarket.
Una nang nagsagawa ng voluntary recall ang Nestle USA sa “Nesquik” Chocolate Powder dahil sa banta ng salmonella. Ang mga kontaminadong “Nesquik” ay ginawa noong Oktubre 29 at may expiration date na Oktubre 2014.
Una nang sinabi ng FDA na sakaling nakabili na ng naturang inumin ay mangyaring ibalik sa tindahan at humingi ng refund.