MANILA, Philippines - Pinasususpinde ni Bayan Muna Party list Rep. Teddy Casiño ang operasyon ng US contractor na nagtapon ng nakakalasong kemikal sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Pangamba ni Casiño, posibleng dati na umanong nagtatapon ng toxic waste sa karagatan ng Pilipinas at ngayon lamang ito nadiskubre.
Dahil dito kayat dapat umanong magkaroon ng komprehensibong imbestigasyon ang kongreso at ipatawag ang mga sangkot sa insidente gayundin ang kliyente ng Glenn Defense Marine Asia na isang Malaysian contractor na nag-ooperate sa ilang bansa.
Base sa ulat, nito lamang Oct. 15 nagsagawa ng inspeksyon ang SBMA Ecology Center personnel sa Glenn Guardian, habang nakadaong sa Naval Supply Depot area dahil sa isang “hazard call” mula sa isa pang free port locator.
Sa kopya ng SBMA spot report, lumabas na may dala ang tanker na nasa 189,500 litro ng domestic waste at 760 litro ng bilge water (kombinasyon ng tubig, langis at grasa), na kinuha mula sa Emory Land, isang US Navy ship.
Noong Oct. 16, isang team mula sa Philippine Coast Guard’s marine pollution division, sa pangunguna ni PO1 Enrico Viuda, at SBMA Ecology Center personnel ang kumuha ng water sample mula sa Glenn Guardian at MT Glenn Enterprise kung ligtas itapon ang kanilang liquid waste sa dagat.
Subalit, sinabi umano ng kapitan ng Glenn Guardian na itinapon na nila ang kanilang liquid wastes may 37 kilometers (20 nautical miles) mula sa Subic Bay.