Babala ni Rep. JV Power crisis sa M’danao lulubha

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si San Juan Rep. JV Ejercito Estrada na malamang maglubha pa ang power crisis sa Mindanao kapag hindi umaksyon ang pamahalaan sa pagsasaayos ng Agus-Pulangi Hydropower Complex nang hindi idadaan sa privatization program upang matugunan ang problema sa dinaranas na rotating brownouts.

Ayon kay Rep. JV, ang kaunting output ng hydropower complex ay isa sa mga dahilan ng nararanasang rotating brownouts sa Mindanao. Hindi makapagbigay ng sapat na kapasidad ang Agus-Pulangi dahil sa kakaunting supply ng tubig na nagpapatakbo ng turbines na dahilan upang matuyo.

Aniya ang complex ay nagsusupply lamang ng 635 MW, o 1/3 ng kapasidad ng 982 MW.

Ikinalungkot ng batang Estrada ang umano’y mabagal na pagkilos ng gobyerno para rito. Maari namang maresolba ang problema ng brownout kung naipatupad na ng pamahalaan ang rehabilitasyon nito dalawang taon na ang nakararaan.

Nabatid na noong Agosto 2010, inaprubahan na ng pamahalaan ang P2.5 billion budget para sa rehabilitasyon nito subalit nabigo namang ipatupad ng DOE at NAPOCOR.

Hindi rin umano dapat na isailalim sa anumang privatization program ang Agus-Pulangi dahil umaabot sa 53 porsiyento ang complex accounts Mindanao’s power requirements.

May iba pa umanong power sources ang Mindanao na kinabibilangan ng coal-fired plants at diesel-run power barges subalit ang hydropower ang nagbibigay ng mala­king bahagi ng kuryente sa Mindanao sa mas mababang halaga.

Sabi pa ng kongresista, ang Agus-Pulangi ay gumagawa ng kita para sa pamahalaan dahil ang generating power nito ay nagkakahalaga lamang ng P1 per kilowatt-hour habang naibebenta naman ito sa P3 per kwh.

Nagtataka lamang ito kung bakit na ipinipilit ng NAPOCOR ang pagsasapribado ng hydroelectric plants. Sa ngayon aniya ay sinasamantala ng mga players sa power industry ang shortage.

Nangangamba rin si Rep. JV na ang mataas na bayad sa kuryente ang posible ring ma­ging dahilan ng pagtigil sa pag-aaral ng mga residente sa Mindanao.

Show comments