MANILA, Philippines - Muling nahalal si United States President Barack Obama sa katatapos na US presidential elections sa Amerika kung saan ay tinalo niya sa popular votes na 58.5 milyon ang nakalaban nitong si Massachusets Gov. Mitt Romney ng Republican Party na nakakuha ng 56.3 milyong votes.
Mabilis ding nag-concede si Romney at binati si President Obama sa national television.
Kaagad din namang nagpaabot ng kanyang congratulatory letter kay Obama si Pangulong Aquino.
Umaasa si Pangulong Aquino na lalong lalakas ang relasyon ng Pilipinas at Amerika sa 2nd term ni Obama bilang US president.
Natutuwa naman ang DFA sa naging resulta ng halalan at ang mataas na voter turnout ng libu-libong Filipino-Americans na nakiisa sa US presidential elections
Samantala, naniniwala naman si Sen. Panfilo Lacson na mas pabor sa mga Filipino na nasa Amerika ang panibagong panalo ni Obama.
Sinabi ni Lacson na tiyak na nagbubunyi ang mga Filipino sa Amerika dahil isang Democrat ang nanalo na mas mabait umano sa mga immigrants.
“Ang Democrats, mas mabait sila sa immigrants eh. So kaya rin nagse-celebrate ang kababayan natin sa America, medyo sympathy ni Obama sa immigrants not necessarily Filipinos, pero dahil marami tayong immigrant na kababayan, sa pananaw nila pabor sa kanila ang victory ni President Obama,” sabi ni Lacson.
Malaking tulong din aniya sa bansa ang mahigit na 2 milyong immigrants na nasa Amerika na nagpapadala rin ng dolyar sa bansa.
Pero inamin ni Lacson na mas pinapanigan niya ang Republican dahil mas proactive umano ang mga ito at mas mahigpit sila pagdating sa seguridad hindi lamang ng Amerika kundi ng mundo. (Dagdag ulat ni Ellen Fernando)